Showing posts with label mamavangie. Show all posts
Showing posts with label mamavangie. Show all posts

Thursday, November 6, 2014

Ika-6 ng Nobyembre taong 2013


Ilang buwan na rin ng makarating ng Estados Unidos si Mama at Papa. Masayang-masaya ako dahil makakasama ko na sila. Ngunit isang araw pagbalik mula sa pagbisita sa kanila'y nalaman naming nagbalik ang "cancer" sa katawan ng Mama. Sa loob ng ilang buwan patuloy siyang nakipaglaban... isang napakahirap na pakikipaglaban. Hanggang isang araw kinailangan naming pagbigyan ang kanyang kahilingang umuwi sa kanyang lupang sinilangan. Hindi ito naging madaling desisyon dahil sa napakaraming balakid. Iniyak namin lahat sa Panginoon at hiniling na ang kalooban niya ang masunod.

Ika-6 ng Nobyembre taong 2013, itinakda ang aming pag-uwi. Nang umagang iyon, tinanong ko ang Mama kung gusto niyang kami ay umuwi pa ng Pilipinas. Ang naging sagot niya'y "Oo naman, yan ang panalangin ko sa Panginoon nung isang araw pa." Ito'y di naging madaling paglalakbay lalu na sa kanyang kalagayan. Maaring di na siya nakarating sa aming pupuntahan. Nang kami'y nakalapag na, ito ang nasambit niya, "Praise God". Kami'y nakarating ng walang aberya at nakauwi bago pa nakapanalanta ang bagyong "Yolanda".

Sa araw na ito aking namalas ang dakilang kabutihan ng Panginoon, kapangyarihan ng panalangin at lakas na sa Kanya lamang nagmumula. May kurot man sa puso kung minsan pag lahat ng ito'y aking naalala pero di ko nanaising ang araw na ito'y aking makalimutan.

Sunday, May 11, 2014

Araw ng mga Ina



Kay bilis ng araw lumipas
Ilang buwan na pala ng ikaw ay lumisan
Araw-araw ika'y nasa aking isip
Di nawawala hanggang sa panaginip

Luha sa mata ko'y madalas umaagos
Pangungulila sa'yo di matapos-tapos
Mga alaala mo'y nagdudulot ng ngiti sa akin
Kahit pa ang tinig mo'y di na muling madidinig

Di gustong mabuhay ng may panghihinayang
Ika'y maging ina sino may ipagyayabang
Kung may isang bagay lang aking lihim na inaasam
Mga magiging anak ko sana'y iyo pang naalagaan

Salamat sa lahat ng iyong mga aral
Bitbit ko sa araw-araw na pakikipagsapalaran
Di man mapapantayan ang iyong mga nagawa
Alam kong ako'y handa maging ina balang araw

Pagdiriwang ng araw na ito'y tuluyan ng nag-iba
Dahil ngayon di ka na kasama
Alam kong sa langit ika'y masaya
Umaawit ng walang tigil sa piling ng Ama

Sunday, October 13, 2013

The Last Song


I never knew this will be the last time me and my mama will worship together
until we see each other again in heaven.



Saturday, May 12, 2012

Tula ko para kay Ina

   Mula ng tayo'y magkalayo
Pag-ibig ko sayo'y nagbago
Ito'y lumago at yumabong
Hangad ko sana'y malapit sa piling mo


Luha sa aking mata'y umaagos
Kapag ika'y naiisip at ika'y nais mayapos
Alam kong aking pananabik ay magtatapos
Sa ating muling pagsasalubong


Panalangin ko palagi sa Ama
Sa buhay na ito'y matagal ka pang makasama
Pag-ibig ko sa iyo'y walang sawang ipadarama
Walang hanggang pasasalamat sa iyong pagaaruga

Mahal na mahal kita Mama, hanggang sa ating muling pagkikita